Sabado, Pebrero 18, 2012

Tulang tulay


Tulang tulay

Maraming panahon na ring
Tao’y nagpasaring
Sa bawat pasarinmg ay
Nakapagpayabong itong mga sining.

Kumilatis ng tama
Pinagmamasdan itong gawa.
Patuloy na kinikilala,
Mga totoong dakila.

Ilang daang taon na rin
Na barbaro’t dahas ang ginamit.
Isang yugto na tila kinalimutan na
Ang salitang progreso.

Maging mapayapa kang tao.
Tunguhin ang damdamin ng lahat ng tao.
Nang hindi na muli pang magpasaring saring
Sa yugto ng nakaraan.

Sana’y mag-ambag itong aking sining.
Para maimulat ang mata mo
Sa makabagong mundo
Na hindi na dahas ang kumadrona
ng pagbabago.


Miyerkules, Pebrero 15, 2012

Nang magising ang dambuhalang tulog



“Ang mundong ito ay isang malaking Quiapo,



Maraming pirata.”
                                                                                                -No other idea

            Marahil kapag sinabi kong pirata syempre Quiapo na agad ang naiisip natin. Tama nga naman suki rin ako sa pagbili ko ng ilang mga CD dun particular na ang mga pelikulang dayuhan at maging ilang pelikulang Pilipino at syempre mga dokumentaryo. Nadala lang naman kasi ako sa hirap ng buhay na meron ako ngayon. Kung susumahin kasi mura ang presyo at medyo wala rin namang pinag-iba sa orihinal.
            Itong praktikal na pag-uugali na ito ang karaniwang nanalaytay sa ilang Pilipino. Marahil sa pagtingin nating puro na lang mamahalin ang bilihin at tingin nati’y kinakailangan ang kagamtan nay un eh naadopt natin ang ganung praktikalidad sa buhay. Mas napili natin ang mas mura.
            Ito rin ang nasakyang sistemang pang-ekonomiya ng Tsina. Mapapansin natin ito ang istilo ng Tsina pagdating sa pagmamaniobra ngayon ng kanilang ekonomiya. Kung ang bansang Hapon ay nabansagang parang motolite –pang matagalan –ang Tsina naman ay nahango ang bansag sa mabilis at mas mura.
            Hindi nakapagtataka na unti unting namaniobra nito mula sa kanyang pagkambyo (ika nga ng isa kong kamag-aral na sumuri ng librong aking ibiniblog ngayon) para sa estadong ekonomikal nito. At iyan ang pangkalahatang nilalaman ng aking ibinablog ngayon –ang libro ni Martin Jacques na When China rules the world :The rise of the middle kingdom and the end of the western world”.
            Simple lang ang nais ipahayag ng libro ni Jacques. Una ay ang pagkakaroon ng ‘pagbabago mula sa pagkilala –mula sa kanluran patungong silangan. Ikalawa naman ay ang pag –usbong ng natutulog na higante ng silangan hanggang sa ito’y maging makapangyarihan. At ang panghuli ay ang pagiging dominante ng nagising na higante ng silangan.

            Lutang sa ating kasaysayan na unang tumatak sa isipan natin na napakamakapangyarihan ang mga bansang nasa kanluran. Marahil yun din kasi ang itinakda ng ilang bias na textbook. Ngunit ang akdang ito ni Jacques ay isang pangmulat sa ating kaisipan. Ipinamalas lamang nya na itinakda naman na makilala ang oryentasyon ng mga bansang nasa silangan.

            Inumpisahan ng pagiging dominante ng Kanluran ay noong magkaroon ng paggagalugad. Unti untin lumawig ang impluwensya ng mga bansang nasa Europa. Matapos naman ay ang paglago ng teknolohiya dahil sa rebolusyong industriyal hanggang sila na ang maging sentro ng kalakaran. Ito’y nagpatuloy hanggang sa manguna ang Estados Unidos sa ikalawang digmaang pandaigdig at mamayagpag sa cold war.
            Mababasa rin sa unang kabanata ng libro ni Jacques ang iba’t ibang pamamaraan kung paano lumago at yumabong ang mga bansang kanluranin. Lumutang ang pamamaraang ginamit nila tulad ng pananakop (colonization) at pagtatagumpay na matalo ang ibang bansa gamit ang digmaan (subjugation of other countries thru war).
            Sa kadahilanang mas namayagpag ang mga nasa kanluran dahil rebolusyong industriyal mayroong naisawalang bahala. Nakaligtaan nating sa nag-umpisa ang sinaunang sibilisasyon sa daigdig sa silangan –ang Mesopotamia. Ganundin ang adbentaha ng Asya sa mga matatandang sibilisasyon tulad ng India, Timog Silangang asya at Tsina.
            Sinabi nga ni Napoleon Bonaparte sa Tsina, na ito ay “Asia’s Sleeping Giant”. Ngunit ngayon mukhang nakalabog itong higanteng ito at nagising. Tapos na ang panahon na ito’y nagmeditate at ngayon nagbigay pangmalas ang bansang minsa’y nabansagang higanteng tulog. Kasalukuyan na itong nakikipagsabayan sa mga dambuhalang bansa tulad na lamang ng bansang nasa Great 7 o G7.
            Ayon sa libro ni Jacques kung noong 2006 ang bansang Tsina ang pumangalawa sa Amerika kung tutuusin ang GDP sa taong 2025. Tinataya ni Jacques na sa taong 2050 ang Tsina na ang pinakamangungunang bansa sa GDP. Tinatayang aabot na diumano sa 70,000 US $ sa GDP ang maiaambag nito sa pangkabuuan sa daigdig.
            Nagpasaring saring din ang bansang Tsina sa mga polisiyang ipinatupad ng mga bansang kanluranin ang Tsina. Ito ang kanilang naging tuntungan para mayroong mapaghakbangan patungo sa kanilang progreso. Mahihinuha na pinagsumikapan nila ang pwestong meron sila ngayon –ang maginhawang istabilidad sa politika at pagiging adbentaha ng kanilang ekonomiya.
            Unti unti na ring naitatatak ang bansang Tsina sa  iba’t ibang pamilihan. Samakatuwid habang sinusuri kong mabuti mula pagkapresenta palang ng librong ito sa amin sa loob ng klase ay unti unti ko ng sinusuri ang aking mga gamit. Tinatanong ko ang aking sarili na ano sa mga gamit ko ang hindi galing sa Tsina.
            Mula pa lamang sa baterya ng cellphone na hawak ko, maging ang aking ruler na ginagamit at maging ang aking iba pang gadget ay halos made in China. Kapansin pansin din ang paglipat ng ibang namumuhunan sa ibang bansa sa Tsina. Isang halimbawa na lamang nito ay ang pagiging quality controller ng Tsina sa Nokia.
            Hindi rin maikakaila na napapantayan na ng Tsina ang ilang imprastraktura na meron ang ibang bansa tulad na lamang ng tinatawag nilang skyscraper. Isa pang adbentahe nila ay ang pagkakaroon ng modernong komunikasyon. Kung matatandaan natin na ang karaniwang kapalitan ng transaksyon noong nagkaroon ng anomalya si Arroyo at Abalos. Ito ang NBN ZTE deal.
            Patunay pa nito ang pagkakaroon ng matatag na pundasyon sa kasaysayan ng Tsina. Ang Great Wall na kung saan isa ito sa pinakapinapangarap mapuntahan maging ng nagsulat nitong blog na ito. Gayundin ang abacus na isa sa pundasyon ng mga datos pang-matematika. At maging si Katy Perry ay napapakanta na rin ng isang pundasyon ng Tsina sa kasaysayan –ang fireworks.
            Isang matatag ding sanligan na nakamit na ng Tsina ang hindi nito nakamit sa nakalipas. Kung susuriing mabuti sa fashion trend isa ang mga tsino sa mga piling taong nagdidisenyo. At maging ang mga may –ari ng kumpanya na nagbebenta sa mga damit partikular na sa Pilipinas –ang Bench at iba pa.
            Kung sa pagkaing Pilipino, namana na rin natin ang iba’t ibang putaheng Tsino. Nariyan ang pagkahilig natin sa noodles, siomai, siopao, hopia at iba pa. Nauso pa nga ang banat sa pag-ibig nay an dahil sa hopia’t siomai. Minsang tinanong ng isang manliligaw na gamitin niya ito sa pangungusap. Laking kilig ni babae ng sabihing –I want to “Siomai” love to you and “Hopia” love me too.
            Impluwensya nga naman ang sanligan ng pagiging tanyag. Ngunit kapag nagiging impluwensyal ang isang bagay hindi maiwawaglit na magiging superyor ang tingin nito sa kanyang sarili. Ang Tsina pa naman ay may pagtanaw ng sentroismo o diumano sila ang gitna o sentro o lunduyan ng daigdig.
            Ito ang uri ng diskriminasyon na nakitaan sa mga Tsino’y. Maaaring bunga lamang ito ng bitter nilang nakaraan dahil talo sila sa Opium war at dinaig sila ng bansang Hapon sa isang bahagi ng kanilang kasaysayan. Maaaring ng makita nila ang globo at natapat na sila ang gitna ngunit hindi ito ang nararapat na pananaw na kanilang dapat makita.
            Ang pag-angat ng Tsina ay manipestasyon ng mahusay na pag-akibat ng kasalukuyan na hindi limitado ang tsansa ng pag –unlad. Maaaring unti unti na nating mabago ang persepsyon na ang tanging makapangyarihan lamang ay mga nasa kanluran. Maaari natin silang tanungin na bakit sila may gamit na made in China.
           
            Alam kong unkabogable ang dami ng mga Tsino’y sa mundo. Ngunit mayroon naman talagang pagkakahalintulad ng ilang bahagi sa ating kasaysayan. Hindi ba’t kapalitan na ng kalakal ng ating ninuno ang mga sinaunang Tsino’y. Dumaan din naman tayo sa bitter na karanasan sa mga kamay ng mga dayuhan.
            Ngunit sa isang banda, bilang isang guro at nagpapakadalubhasa sa agham panlipunan, nagsilbi itong hamon. Nabuo ang katanungang kailan naman kaya magiging aware ang ilang tao na unti unti na silang nadodomina ng mga produktong made in the Philippines. Wala namang imposible. Kung nga ang bansang nabansagan ng isang pandak na natutulog na higante ay nagising at kinalabog ang buong mundo. Tayo pa kaya.