Sabado, Pebrero 18, 2012

Tulang tulay


Tulang tulay

Maraming panahon na ring
Tao’y nagpasaring
Sa bawat pasarinmg ay
Nakapagpayabong itong mga sining.

Kumilatis ng tama
Pinagmamasdan itong gawa.
Patuloy na kinikilala,
Mga totoong dakila.

Ilang daang taon na rin
Na barbaro’t dahas ang ginamit.
Isang yugto na tila kinalimutan na
Ang salitang progreso.

Maging mapayapa kang tao.
Tunguhin ang damdamin ng lahat ng tao.
Nang hindi na muli pang magpasaring saring
Sa yugto ng nakaraan.

Sana’y mag-ambag itong aking sining.
Para maimulat ang mata mo
Sa makabagong mundo
Na hindi na dahas ang kumadrona
ng pagbabago.


Miyerkules, Pebrero 15, 2012

Nang magising ang dambuhalang tulog



“Ang mundong ito ay isang malaking Quiapo,



Maraming pirata.”
                                                                                                -No other idea

            Marahil kapag sinabi kong pirata syempre Quiapo na agad ang naiisip natin. Tama nga naman suki rin ako sa pagbili ko ng ilang mga CD dun particular na ang mga pelikulang dayuhan at maging ilang pelikulang Pilipino at syempre mga dokumentaryo. Nadala lang naman kasi ako sa hirap ng buhay na meron ako ngayon. Kung susumahin kasi mura ang presyo at medyo wala rin namang pinag-iba sa orihinal.
            Itong praktikal na pag-uugali na ito ang karaniwang nanalaytay sa ilang Pilipino. Marahil sa pagtingin nating puro na lang mamahalin ang bilihin at tingin nati’y kinakailangan ang kagamtan nay un eh naadopt natin ang ganung praktikalidad sa buhay. Mas napili natin ang mas mura.
            Ito rin ang nasakyang sistemang pang-ekonomiya ng Tsina. Mapapansin natin ito ang istilo ng Tsina pagdating sa pagmamaniobra ngayon ng kanilang ekonomiya. Kung ang bansang Hapon ay nabansagang parang motolite –pang matagalan –ang Tsina naman ay nahango ang bansag sa mabilis at mas mura.
            Hindi nakapagtataka na unti unting namaniobra nito mula sa kanyang pagkambyo (ika nga ng isa kong kamag-aral na sumuri ng librong aking ibiniblog ngayon) para sa estadong ekonomikal nito. At iyan ang pangkalahatang nilalaman ng aking ibinablog ngayon –ang libro ni Martin Jacques na When China rules the world :The rise of the middle kingdom and the end of the western world”.
            Simple lang ang nais ipahayag ng libro ni Jacques. Una ay ang pagkakaroon ng ‘pagbabago mula sa pagkilala –mula sa kanluran patungong silangan. Ikalawa naman ay ang pag –usbong ng natutulog na higante ng silangan hanggang sa ito’y maging makapangyarihan. At ang panghuli ay ang pagiging dominante ng nagising na higante ng silangan.

            Lutang sa ating kasaysayan na unang tumatak sa isipan natin na napakamakapangyarihan ang mga bansang nasa kanluran. Marahil yun din kasi ang itinakda ng ilang bias na textbook. Ngunit ang akdang ito ni Jacques ay isang pangmulat sa ating kaisipan. Ipinamalas lamang nya na itinakda naman na makilala ang oryentasyon ng mga bansang nasa silangan.

            Inumpisahan ng pagiging dominante ng Kanluran ay noong magkaroon ng paggagalugad. Unti untin lumawig ang impluwensya ng mga bansang nasa Europa. Matapos naman ay ang paglago ng teknolohiya dahil sa rebolusyong industriyal hanggang sila na ang maging sentro ng kalakaran. Ito’y nagpatuloy hanggang sa manguna ang Estados Unidos sa ikalawang digmaang pandaigdig at mamayagpag sa cold war.
            Mababasa rin sa unang kabanata ng libro ni Jacques ang iba’t ibang pamamaraan kung paano lumago at yumabong ang mga bansang kanluranin. Lumutang ang pamamaraang ginamit nila tulad ng pananakop (colonization) at pagtatagumpay na matalo ang ibang bansa gamit ang digmaan (subjugation of other countries thru war).
            Sa kadahilanang mas namayagpag ang mga nasa kanluran dahil rebolusyong industriyal mayroong naisawalang bahala. Nakaligtaan nating sa nag-umpisa ang sinaunang sibilisasyon sa daigdig sa silangan –ang Mesopotamia. Ganundin ang adbentaha ng Asya sa mga matatandang sibilisasyon tulad ng India, Timog Silangang asya at Tsina.
            Sinabi nga ni Napoleon Bonaparte sa Tsina, na ito ay “Asia’s Sleeping Giant”. Ngunit ngayon mukhang nakalabog itong higanteng ito at nagising. Tapos na ang panahon na ito’y nagmeditate at ngayon nagbigay pangmalas ang bansang minsa’y nabansagang higanteng tulog. Kasalukuyan na itong nakikipagsabayan sa mga dambuhalang bansa tulad na lamang ng bansang nasa Great 7 o G7.
            Ayon sa libro ni Jacques kung noong 2006 ang bansang Tsina ang pumangalawa sa Amerika kung tutuusin ang GDP sa taong 2025. Tinataya ni Jacques na sa taong 2050 ang Tsina na ang pinakamangungunang bansa sa GDP. Tinatayang aabot na diumano sa 70,000 US $ sa GDP ang maiaambag nito sa pangkabuuan sa daigdig.
            Nagpasaring saring din ang bansang Tsina sa mga polisiyang ipinatupad ng mga bansang kanluranin ang Tsina. Ito ang kanilang naging tuntungan para mayroong mapaghakbangan patungo sa kanilang progreso. Mahihinuha na pinagsumikapan nila ang pwestong meron sila ngayon –ang maginhawang istabilidad sa politika at pagiging adbentaha ng kanilang ekonomiya.
            Unti unti na ring naitatatak ang bansang Tsina sa  iba’t ibang pamilihan. Samakatuwid habang sinusuri kong mabuti mula pagkapresenta palang ng librong ito sa amin sa loob ng klase ay unti unti ko ng sinusuri ang aking mga gamit. Tinatanong ko ang aking sarili na ano sa mga gamit ko ang hindi galing sa Tsina.
            Mula pa lamang sa baterya ng cellphone na hawak ko, maging ang aking ruler na ginagamit at maging ang aking iba pang gadget ay halos made in China. Kapansin pansin din ang paglipat ng ibang namumuhunan sa ibang bansa sa Tsina. Isang halimbawa na lamang nito ay ang pagiging quality controller ng Tsina sa Nokia.
            Hindi rin maikakaila na napapantayan na ng Tsina ang ilang imprastraktura na meron ang ibang bansa tulad na lamang ng tinatawag nilang skyscraper. Isa pang adbentahe nila ay ang pagkakaroon ng modernong komunikasyon. Kung matatandaan natin na ang karaniwang kapalitan ng transaksyon noong nagkaroon ng anomalya si Arroyo at Abalos. Ito ang NBN ZTE deal.
            Patunay pa nito ang pagkakaroon ng matatag na pundasyon sa kasaysayan ng Tsina. Ang Great Wall na kung saan isa ito sa pinakapinapangarap mapuntahan maging ng nagsulat nitong blog na ito. Gayundin ang abacus na isa sa pundasyon ng mga datos pang-matematika. At maging si Katy Perry ay napapakanta na rin ng isang pundasyon ng Tsina sa kasaysayan –ang fireworks.
            Isang matatag ding sanligan na nakamit na ng Tsina ang hindi nito nakamit sa nakalipas. Kung susuriing mabuti sa fashion trend isa ang mga tsino sa mga piling taong nagdidisenyo. At maging ang mga may –ari ng kumpanya na nagbebenta sa mga damit partikular na sa Pilipinas –ang Bench at iba pa.
            Kung sa pagkaing Pilipino, namana na rin natin ang iba’t ibang putaheng Tsino. Nariyan ang pagkahilig natin sa noodles, siomai, siopao, hopia at iba pa. Nauso pa nga ang banat sa pag-ibig nay an dahil sa hopia’t siomai. Minsang tinanong ng isang manliligaw na gamitin niya ito sa pangungusap. Laking kilig ni babae ng sabihing –I want to “Siomai” love to you and “Hopia” love me too.
            Impluwensya nga naman ang sanligan ng pagiging tanyag. Ngunit kapag nagiging impluwensyal ang isang bagay hindi maiwawaglit na magiging superyor ang tingin nito sa kanyang sarili. Ang Tsina pa naman ay may pagtanaw ng sentroismo o diumano sila ang gitna o sentro o lunduyan ng daigdig.
            Ito ang uri ng diskriminasyon na nakitaan sa mga Tsino’y. Maaaring bunga lamang ito ng bitter nilang nakaraan dahil talo sila sa Opium war at dinaig sila ng bansang Hapon sa isang bahagi ng kanilang kasaysayan. Maaaring ng makita nila ang globo at natapat na sila ang gitna ngunit hindi ito ang nararapat na pananaw na kanilang dapat makita.
            Ang pag-angat ng Tsina ay manipestasyon ng mahusay na pag-akibat ng kasalukuyan na hindi limitado ang tsansa ng pag –unlad. Maaaring unti unti na nating mabago ang persepsyon na ang tanging makapangyarihan lamang ay mga nasa kanluran. Maaari natin silang tanungin na bakit sila may gamit na made in China.
           
            Alam kong unkabogable ang dami ng mga Tsino’y sa mundo. Ngunit mayroon naman talagang pagkakahalintulad ng ilang bahagi sa ating kasaysayan. Hindi ba’t kapalitan na ng kalakal ng ating ninuno ang mga sinaunang Tsino’y. Dumaan din naman tayo sa bitter na karanasan sa mga kamay ng mga dayuhan.
            Ngunit sa isang banda, bilang isang guro at nagpapakadalubhasa sa agham panlipunan, nagsilbi itong hamon. Nabuo ang katanungang kailan naman kaya magiging aware ang ilang tao na unti unti na silang nadodomina ng mga produktong made in the Philippines. Wala namang imposible. Kung nga ang bansang nabansagan ng isang pandak na natutulog na higante ay nagising at kinalabog ang buong mundo. Tayo pa kaya.
            

Huwebes, Enero 12, 2012

Isang liham para sa minamahal na nananaghoy

Nagmistulang dahong kupas ang bawat nadaanan.
Ang mga punong kahoy ay isang ilusyon lamang
Dahil patuloy na tinig lamang ng alon.
ang pintig sa tenga’y pawang naririnig.

Malungkot, malungkot,
mapagdamdam ang kaluskos ng hangin.
Pawang isang trahedyang nakabantay gawing kanan,
at sa kaliwa ay puno ng hibik at damdaming nagdurusa.

Anamnesis, anamnesis ang bulong ng puso’t isipan dahil iyo’y ako.
Ang bulong ng paligid ay hanapin mo Ikaw sinta ko.
Ang syang inalay ng titik at sulat nito, binagtas at
tunguhin itong bulong, syang tiyak na makapagpapasaya.

Abstraksyon ng katawang tila bote
Malinaw na natatanaw ang syang babaeng binulong ng paligid
Di sya malikmata ng mapawi ang luha sa maghapon
Tila ikaw at an gating kahapon.

Nang maibigkas ng mga labi ang pagdadalamhati
Akala’y ikaw ang nakapawi, tila malikmata parin at parang puwing
Malinaw sa aking isipan ikaw pa rin itong nais makapiling
Ngunit pusoy patuloy na napariwara at naligwak itong kahapon

Ang mga labi’y nganga sa pagpawi nitong lungkot.
Masaya’t tila naibalik ang kahapon
Mukhang abstraksyon ng pagbabalik at sagot saking anamnesis.
Gunita’y di pala iyon kundi isang malikmata ng ngayon.

Martes, Enero 10, 2012

Ang kaarawang Ika-siyam ng Enero

Masasabi nating ang araw na ito ng taon ay maaaring karaniwan lamang sa ibang bansa ngunit sa Pilipinas ito’y iba. Mahihinuha natin na ang Enero 9 ay isang puspusang paggunita ng ilan sa kamaynilaan partikular na sa Quiapo. Ito kasi ang kapistahan umano ng Poong Nazareno.

Ang panulat na ito ay nakaangkla sa pananaw simbolohikal hinggil sa paniniwala ng mga deboto sa poong Nazareno. Ngunit kilatisin muna natin ang araw na ito. Tamang araw ito ng kapistahan ng Poong Nazareno pero hindi sa pangkalahatan kundi sa Quiapo lamang. Base nga sa misa na hinggil sa tatlong hari ito ang araw ng pagkakabinyag kay Kristo.
Naging tradisyon lang naman kasi ang araw na ito na sa loob ng isang taon dito sa araw na ito nagugunita ang araw ng poong Nazareno. Dagdag pa kaya’t mas kinikilala ito para sa poong Nazareno dahil sa milagrong nadulot nito ng simulang ipreserba ang imahe nito matapos masunog (ayon sa http://www.rcam.org/feastday/feast_black_nazarene.htm).

Isa pa, marami rin ang di nakakaalam kung bakit daw sa Quirino Grandstand nagsimula. Muli’t muli ito kasi ang traslasyon. Ito ang paggunita kung saan unang nagmula ang Poong Nazareno. Mula sya sa karagatan at inilipat sa mismong basilika.

Balikan na natin ang pagtanaw na ating gagamitin. Sa pananaw gamit ang mga simbolo aking ipakikita ang mga dibosyon ng mga Pilipino base lamang sa aking mga obserbasyon. Purong subhektibo ang karamihan ng aking sasabihin at wiwikain ngunit paniguradong iyon din ang iyong mapapansin kapag nakita mo ang mga nananampalataya sa Poong Nazareno.

Habang binabagtas ko ang kahabaan ng Dapitan kaninang papasok ako kita ko na doon pa lang ang sikhay o ang sigla ng partisipasyon sa mga kalapit na lugar sa Quiapo. Sinara mismo ang ilang pangunahing daan para magbigay daan sa paggunita ng Poong Nazareno. Isang bagay na ang makikita mo ritong karakter ng mga Pilipino –ang pakikiisa.

Maraming beses na rin akong nabiktima ng ganitong uri ng trapik simula ng mag-aral ako sa Normal. Di tulad noong nag-aaral ako sa NTC na suspendido ang klase. Kinagisnan na rin kasi nilang walang pasok sa kalakhang Quiapo kapag ganitong okasyon. Makikita rin ang mga natural na ring gawain ng mga mamamayan sa Quiapo habang ginugunita ang kapistahang ito. Bonggang handaan at syempre ang natural prosisyon.

Base kasi sa pag-aaral na rin ng sosyolohiya, ang mga simbolo ay nagmula sa mga kasangkapang mayroong taglay na pakahulugan. Halimbawa, mayroon akong kwintas at yon ay ipagpapalagay ko na may kahulugan. Sabihin nating ang kwintas na iyon ay nangangahulugan ng malalim kong ugnayan sa isang babaeng aking minamahal. Ganundin ang poong Nazareno.

Mula sa replika ng Poong Nazareno, nariyan ang kanyang replika, lubid tuwing pista, kulay na isinusuot ng mga deboto at syempre ang mga deboto. Unahin natin ang replika ng poong Nazareno. Di man ito ang tunay na replika at ang mismong pinipreserba ay may marubdob pa rin tayong pagtanaw dito. Nasa isipan kasi natin na mayroon tayong pag-asang makukuha at maaari rin naming milagrong matatanggap.

Ang lubid tuwing ika-siyam ng Enero ay ang isa rin sa kapansin pansing hindi mawawala. Ang pakahulugan na rin kasi dito ng mga nananampalataya ay ang simpleng hindi pagbitiw dito. Kapag daw kasi bumitaw ka ang maaaring mangyari ay mapalayo ka o mas masaklap ay mawala ka sa landas ng prosisyon.

Kapag daw magmamaroon ka ay pumunta ka sa isang salo salo at naku mahaba at kinulot mo pa ang buhok mo naku lumayo ka na sa mapang-asar na mata at bibig. Mapagkakamalan kang panata o kundi naman ay deboto nitong mahal na Nazareno. Kinagisnan na kasi ang kulay na ito bilang tradisyunal na kulay ng poong Nazareno.

Pero base sa aking nakita hindi lamang Maroon ang kulay na namayagpag kanina sa aking paningin. Mayroon naman light maroon siguro ito yung mga kumupas na maroon dahil sa tagal na nilang deboto. Mayroon din namang Naida na maroon halatang maski mga pulitiko ay pinulitika ang poong Nazareno. Mayroon ding dilaw na tila bagong bago o mga pausong kulay. Maski asul, ay sandali mga pulis na pala yon.

Pero syempre ang lahat ng kasangkapan o mga simbolo ay balewala kung wala ang mga deboto. Ang mga deboto ang huli kong pagtutuunan ng pansin. Muli kong babalikan ang pagbagtas ko sa lansangan kanina. Habang ako’y nasa jeep makikitang may mga bulto ng tao kung magmartsa patungo sa Quirino Grandstand. Mayroong mga pangkat o grupo grupo at mayroon din iilan.

Namangha ako sa isang babae doon sa kahabaan ng Sta.Cruz dahil mag-isa lamang nya. Di ko sya kilala basta naka-maroon sya. Mag-isa lang nya at di nya alintana ata ang kanyang susuungin. Hindi ba’t mas maigi kung mayroong kasama at ang iyong mga kasama ay magiging kakapit bisig mo sa prosisyon. Ngunit ito na rin siguro ang pagiging mapangahas ng may marubdob na pananampalataya –ang pagsuong sa iyong debosyon at paniniwala’t pananalig sa may kapal. Kaya’t anuman ang tangka ng langit na umulan sadyang pinagpala talaga ang araw ng mga taong matibay ang debosyon.

Sabado, Disyembre 31, 2011

Kathaga: Mula sa ideya patungo sa mga imahe ng mga salita

Syempre babati muna ako, maraming salamat at kahit papaano napaunlakan ko ang iyong matang basahin ang artikulong ito. Hindi lahat ng taong nabubuhay sa earth ay babasahin ito at may tsansa makabasa nito. Biruin mo ilang tao lang ang marunong at maalam sa paggamit ng computer. Hindi lahat ay nananaliksik gamit ang computer. At mas lalong lalo na hindi lahat nais magbasa ng blog. Dagdag pa na lalong lalo pa na wikang Filipino ang gamit kong wika mas lalong lumiit ang tsansa na basahin mo pa ito kapag di mo naiintindihan ang wikang Filipino. Mas liliit pa ang tsansa mo na basahin ito kung di kita napukaw sa aking pamagat at di ka naganyak (motivated) sa aking nais iparating na, ‘Hoy basahin mo naman ito’. Pero malaki ang tsansa mo na matuto kahit papano sa aking mga isusulat. 

Oh tama na ang intro eto na talaga. Di ko popormalan ang pagsusulat kasi nananiniwala akong hindi naman sa pagiging pormal mo mararating ang lahat ng mga bagay, may kanya kanyang paraan para makarating ito sa isipan ng mga taong nais mong  pagparatingan. Ang pinagkaiba nga lang, ito ang ginamit kong paraan no choice ka kasi ako ang nagsulat at nagbabasa ka lang. Tama?

Pero ano nga ba ang esensya nitong artikulo o sulating ito. Wala naming salitang kathaga. Yan ah inamin ko na wala yan sa diksyunaryo o sa kung ano ano mang babasahin na nais mong tuklasin ang salitang yan. Actually mema lang yan. Memasabeng pamagat este memalagay lang. Pero seryoso ito na talaga, kung bakit kathaga.
Unang una kong ipapaunawa sayo aking mambabasa na ang isang katangian ng wika ay –ito ay Malaya.


Ayon nga rin sa isang dalubguro sa Pamantasang Normal ng Pilipinas na si Prop. Patrocinio Villafuerte, kung gusto mong lumikha ng salita ito ang mga paraan. Una syempre lilikha ka, ikaw mismo ang gagawa ng salita mula sa malikot mong pag-iisip. Sumunod naman ay syempre lumikha ka na di ba, eh di gamitin mo. Ano pang silbi ng paglikha mo kung di mo gagamitin at syempre di papahuli ang pagpapublish nito o ang paggamit ng salitang nilikha mo gamit ang konteksto ng panulat.

Samakatuwid, yan din ang karaniwang kulturang nakikita natin kung bakit nagiging popular ang isang salita na out of nowhere sa ating isipan. Ganyan din naman nabuo ang mga rejister ng wika di ba? Pero yan lamang ang etimolohikal na pagpapaliwanag kung paano nabubuo ang isang salita. Ayon sa aking naging basehan.
Actually yan ang pormal na introduksyon ng aking sulatin o blog. Ano nga ba ang salitang ‘kathaga’? Tapos ko ng ipaliwanag kung paano ako dadahilan kung sakasakaling batuhin ako ng batikos kung bakit mema ako sa salitang yan. Ngayon naman ipaliliwanag ko na kung ano nga ba ang salitang kathaga. Ang salitang ito ay parang ‘gogeta’ ng Dragon Ball Z, parang tubig na pinagsamang element na karbon at oxygen. Ibig sabihin fusion o pinagsanib na salita ito.

Ang salitang kathagawa ay pinagsamang katha+kataga+gawa. Libre lang naman ang pagsasanib ng mga salita dahil babalikan ko ang isang katangian ng wika –ang wika ay Malaya. Wag  mo ng subuking tanungin kung bakit yan ang salita na ginamit ko, no choice ka nagbabasa ka lang at ako ang nagsulat. Pero seryoso, ang kathaga ang nais kong magbigay larawan ng aking mga ideya. Malaya kasi ang ideya at sabi nga kapag napakawalan mo ang ideya, hindi na sa’iyo yan. Pero dahil gusto kong mabigyan koneksyon na galing sakin ang ideyang iyan, ididikit ko na lang ang aking mga malalayang ideya sa isang pinagsanib na salita at yun ang kathaga.

Wag na maboring, tapos na po. Sana’y may natutuhan ka sa dagli at mabilisang pagbabasa ng aking paliwanag bakit ‘kathagawa’. Sa susunod na pagmamarka ng kathagawa ko para sa masa.