Martes, Enero 10, 2012

Ang kaarawang Ika-siyam ng Enero

Masasabi nating ang araw na ito ng taon ay maaaring karaniwan lamang sa ibang bansa ngunit sa Pilipinas ito’y iba. Mahihinuha natin na ang Enero 9 ay isang puspusang paggunita ng ilan sa kamaynilaan partikular na sa Quiapo. Ito kasi ang kapistahan umano ng Poong Nazareno.

Ang panulat na ito ay nakaangkla sa pananaw simbolohikal hinggil sa paniniwala ng mga deboto sa poong Nazareno. Ngunit kilatisin muna natin ang araw na ito. Tamang araw ito ng kapistahan ng Poong Nazareno pero hindi sa pangkalahatan kundi sa Quiapo lamang. Base nga sa misa na hinggil sa tatlong hari ito ang araw ng pagkakabinyag kay Kristo.
Naging tradisyon lang naman kasi ang araw na ito na sa loob ng isang taon dito sa araw na ito nagugunita ang araw ng poong Nazareno. Dagdag pa kaya’t mas kinikilala ito para sa poong Nazareno dahil sa milagrong nadulot nito ng simulang ipreserba ang imahe nito matapos masunog (ayon sa http://www.rcam.org/feastday/feast_black_nazarene.htm).

Isa pa, marami rin ang di nakakaalam kung bakit daw sa Quirino Grandstand nagsimula. Muli’t muli ito kasi ang traslasyon. Ito ang paggunita kung saan unang nagmula ang Poong Nazareno. Mula sya sa karagatan at inilipat sa mismong basilika.

Balikan na natin ang pagtanaw na ating gagamitin. Sa pananaw gamit ang mga simbolo aking ipakikita ang mga dibosyon ng mga Pilipino base lamang sa aking mga obserbasyon. Purong subhektibo ang karamihan ng aking sasabihin at wiwikain ngunit paniguradong iyon din ang iyong mapapansin kapag nakita mo ang mga nananampalataya sa Poong Nazareno.

Habang binabagtas ko ang kahabaan ng Dapitan kaninang papasok ako kita ko na doon pa lang ang sikhay o ang sigla ng partisipasyon sa mga kalapit na lugar sa Quiapo. Sinara mismo ang ilang pangunahing daan para magbigay daan sa paggunita ng Poong Nazareno. Isang bagay na ang makikita mo ritong karakter ng mga Pilipino –ang pakikiisa.

Maraming beses na rin akong nabiktima ng ganitong uri ng trapik simula ng mag-aral ako sa Normal. Di tulad noong nag-aaral ako sa NTC na suspendido ang klase. Kinagisnan na rin kasi nilang walang pasok sa kalakhang Quiapo kapag ganitong okasyon. Makikita rin ang mga natural na ring gawain ng mga mamamayan sa Quiapo habang ginugunita ang kapistahang ito. Bonggang handaan at syempre ang natural prosisyon.

Base kasi sa pag-aaral na rin ng sosyolohiya, ang mga simbolo ay nagmula sa mga kasangkapang mayroong taglay na pakahulugan. Halimbawa, mayroon akong kwintas at yon ay ipagpapalagay ko na may kahulugan. Sabihin nating ang kwintas na iyon ay nangangahulugan ng malalim kong ugnayan sa isang babaeng aking minamahal. Ganundin ang poong Nazareno.

Mula sa replika ng Poong Nazareno, nariyan ang kanyang replika, lubid tuwing pista, kulay na isinusuot ng mga deboto at syempre ang mga deboto. Unahin natin ang replika ng poong Nazareno. Di man ito ang tunay na replika at ang mismong pinipreserba ay may marubdob pa rin tayong pagtanaw dito. Nasa isipan kasi natin na mayroon tayong pag-asang makukuha at maaari rin naming milagrong matatanggap.

Ang lubid tuwing ika-siyam ng Enero ay ang isa rin sa kapansin pansing hindi mawawala. Ang pakahulugan na rin kasi dito ng mga nananampalataya ay ang simpleng hindi pagbitiw dito. Kapag daw kasi bumitaw ka ang maaaring mangyari ay mapalayo ka o mas masaklap ay mawala ka sa landas ng prosisyon.

Kapag daw magmamaroon ka ay pumunta ka sa isang salo salo at naku mahaba at kinulot mo pa ang buhok mo naku lumayo ka na sa mapang-asar na mata at bibig. Mapagkakamalan kang panata o kundi naman ay deboto nitong mahal na Nazareno. Kinagisnan na kasi ang kulay na ito bilang tradisyunal na kulay ng poong Nazareno.

Pero base sa aking nakita hindi lamang Maroon ang kulay na namayagpag kanina sa aking paningin. Mayroon naman light maroon siguro ito yung mga kumupas na maroon dahil sa tagal na nilang deboto. Mayroon din namang Naida na maroon halatang maski mga pulitiko ay pinulitika ang poong Nazareno. Mayroon ding dilaw na tila bagong bago o mga pausong kulay. Maski asul, ay sandali mga pulis na pala yon.

Pero syempre ang lahat ng kasangkapan o mga simbolo ay balewala kung wala ang mga deboto. Ang mga deboto ang huli kong pagtutuunan ng pansin. Muli kong babalikan ang pagbagtas ko sa lansangan kanina. Habang ako’y nasa jeep makikitang may mga bulto ng tao kung magmartsa patungo sa Quirino Grandstand. Mayroong mga pangkat o grupo grupo at mayroon din iilan.

Namangha ako sa isang babae doon sa kahabaan ng Sta.Cruz dahil mag-isa lamang nya. Di ko sya kilala basta naka-maroon sya. Mag-isa lang nya at di nya alintana ata ang kanyang susuungin. Hindi ba’t mas maigi kung mayroong kasama at ang iyong mga kasama ay magiging kakapit bisig mo sa prosisyon. Ngunit ito na rin siguro ang pagiging mapangahas ng may marubdob na pananampalataya –ang pagsuong sa iyong debosyon at paniniwala’t pananalig sa may kapal. Kaya’t anuman ang tangka ng langit na umulan sadyang pinagpala talaga ang araw ng mga taong matibay ang debosyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento